Manila LGU, nag-abiso sa mga vendor na bawal muna sila sa gagawing motorcade sa Biyernes Santo

Ipinag-utos ng lokal na pamahalaan ng Maynila na bawal muna ang mga vendor sa Biyernes Santo.

Ito’y dahil sa gagawing Nazareno motorcade bilang paggunita ng Semana Santa.

Ayon kay Mayor Honey Lacuna-Pangan, ang desisyon ay base na rin sa napagkasunduan ng Manila LGU, pamunuan ng Simbahan ng Quiapo, stake holders at Manila Police District (MPD).


Aniya, magsisimula ang motorcade ng Itim na Nazareno ng alas-12:00 ng hatinggabi ng Biyernes Santo kung saan kahalintulad din ito ng isinagawang traslacion.

Inaasahan na maraming deboto ang dadagsa kung kaya’t ngayong pa lamang ay inaabisuhan ang lahat ng mga vendor na bawal muna sila magtinda.

Nais kasi ng lokal na pamahalaan ng Maynila na maging maayos at tuloy-tuloy ang motorcade sa mga ruta hanggang sa Simbahan ng Quiapo.

Humihingi naman ng pang-unawa ang alkalde sa mga vendor sabay iginiit na isang araw lamang ang motorcade bilang parte na rin ng paggunita ng Semana Santa.

Facebook Comments