Manila LGU, nagbabala hinggil sa paniningil sa isinasagawang rapid testing

Nagbabala ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa publiko hinggil sa paniningil ng ilang indibidwal o grupo sa isinasagawang rapid testing sa lungsod.

Ayon kay Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso, may natatanggap siyang impormasyon na sinisingil ang mga nais sumalang sa rapid testing lalo na’t isa ito sa mga kailangan ng mga magbabalik-trabaho, travel pass, sertipikasyon at iba pa.

Iginiit ni Mayor Isko na libre nilang inihahandog ang rapid testing na kaloob ng Manila Health Department (MHD) gayundin sa mga pampublikong ospital.


Libre rin daw ang swab testing sa mga magpopositibo sa rapid testing o kaya may mga nararanasan ng sintomas ng COVID-19 depende sa rekomendasyon ng ospital o health center ng pamahalaang lungsod.

Sinabi pa ni Mayor Isko na umaabot sa mahigit ₱5,000 hanggang ₱8,000 ang halaga ng swab test pero libre lamang itong inihahandog sa mga residente ng Maynila na kailangang isailalim sa nasabing pagsusuri.

Kaugnay nito, nagsasagawa na ang lokal na pamahalaan ng masusing imbestigasyon upang matukoy kung sino o anong grupo ang naniningil ng bayad bago sumalang sa rapid testing.

Bilang bahagi naman ng Contain and Delay (CODE) – COVID-19 action plan, tuluy-tuloy pa rin ang isinasagawang pagsusuri upang matukoy kung sinu-sino ang nagtataglay ng virus kung saan umabot na sa 11,663 ang sumailalim sa swab testing habang nasa 89,063 naman ang sumailalim sa rapid test na pawang libre at walang bayad.

Facebook Comments