Manila LGU, naghahabol sa deadline ng DILG na linisin ang lungsod sa mga obstructions

Naghahabol ngayon ang Manila LGU sa paglilinis at pagsasagawa ng clearing operations sa lungsod kasunod ng nalalapit na deadline ng Department of Interior and Local Government o DILG sa mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila na alisin ang lahat ng uri ng obstructions sa mga kalsada.

Ang Manila Department of Public Service at Manila Engineering ay patuloy na nag-iikot sa Taft Avenue at sa iba pang lugar sa Maynila kung saan tinanggal nila ang mga tarpaulin na okupado na ang bangketa kaaama na  ang mga bakod na yero at screen.

Aminado naman ang Manila DPS na marami pa ring mga obstruction sa lungsod at kahit pa nagpapadala ang City Hall ng notice sa mga barangay, may mga hindi pa rin tumutugon at hindi pinapansin ang kautusan.


Sa bahagi naman ng Barangay 719, Zone 78, malapit sa Harrison Plaza ay nagkaroon ng tensyon dahil nagwala ang mga may-ari ng bahay nang pagbabaklasin at tangayin ang kanilang tindahan at mga kagamitan.

Nauna nang sinabi ni Manila Mayor Isko Moreno na hindi madali para sa Maynila na makamit ang isang daang porsyento na malinis na mga kalye, dahil malaki ang lungsod na mayroong 16 na distrito o katumbas ng 896 barangays.

Facebook Comments