Nagkasa ng clearing operations ang Manila Hawkers Management Group ng lokal na pamahalaan ng Maynila sa paligid ng Divisoria Mall.
Partikular na sinuyod ang kahabaan ng M. de Santos Street mula Ilaya Street hanggang makarating Elcano Street.
Pawang mga nagtitinda ng school supplies ang naapektuhan, kung saan pinagkakalas at sinira ang kanilang mga pwesto pero hindi kinumpiska ang kanilang mga paninda.
Maging ang mga nagtitinda ng prutas sa kahabaang ng Sto. Cristo ay nadamay rin sa ikinasang operasyon.
Ayon kay Sammy Duenas – ang chief operations ng Manila Hawkers, isinagawa nila ang operasyon dahil sa mga reklamo na halos hindi na madaanan ng mga mamimili ang paligid ng Divisoria Mall.
Sinabi pa ni Duenas, ang mga ambulant vendors o mga nagtitinda gamit ang kariton o may mga gulong ay hindi na papayagan pa sa Divisoria.
Bukod dito, sako-sakong basura rin ang nahakot ng Manila Department of Public Service sa mga nabanggit na lugar.