Manila LGU, naglabas ng kautusan sa mga kapitan ng barangay para sa pagpapatupad ng mahigpit na hakbang para labanan ang COVID-19

Muling naglabas ng bagong kautusan ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa bawat kapitan ng barangay sa lungsod hinggil sa pagpapatupad ng mga hakbang para malabanan ang COVID-19.

Sa inilabas na memo ni Mayor Isko Moreno, inutusan niya ang mga barangay chairman na muling ipatupad ang curfew, pairalin ang physical distancing sa kanilang nasasakupan sa lahat ng oras gayundin ang pagsusuot ng face mask at face shield.

Kasama rin sa kautusan ang pagbabawal sa pag-iinuman ng alak sa pampublikong lugar, pagmomonitor sa pagpasok ng mga hindi residente ng barangay at patuloy na pag-iikot at pagbabantay ng mga kagawad at tanod.


Layunin ng inilabas na kautusan ng lokal na pamahalaan ay upang mapigilan ang pagtaas ng tinatamaan ng COVID-19 na sa kasalukuyan ay pumalo na sa 1,496 ang active cases.

Kaugnay nito, may iba pang barangay sa lungsod ng Maynila ang planong isailalim sa lockdown dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Ayon sa Manila Health Department (MHD), nasa mahigit 10 kaso ng COVID-19 ang naitala sa mga hindi pa mabanggit na barangay kaya’t plano itong i-lockdown na upang makontrol ang palaganap ng virus.

Facebook Comments