
Naglabas ng pahayag ang lokal na pamahalaan ng Maynila kasunod ng paghahain ng reklamo laban kina Mayor Isko Moreno at ilan pang indibidwal.
Ayon sa local government unit (LGU), hindi pa natatanggap ng Office of the City Mayor ang kopya ng reklamo.
Sa kabila nito, iginiit ng lokal na pamahalaan na inirerespeto nila ang pasya ng 844 mula sa 896 na barangay chairpersons na bumotong pabor sa pagpapalit ng mga opisyal ng Liga ng mga Barangay.
Kanina, naghain ng reklamong graft, usurpation of authority, grace misconduct at grave abuse of authority sa Office of the Ombudsman si Dr. Leilani Lacuna, kapatid ni dating Manila Mayor Honey Lacuna matapos nitong matanggal sa konseho kasama ng ilan pang miyembro ng Liga.
Pero sabi ng LGU, isang insulto sa karunungan ng mga bumoto ang pahayag na tinakot umano ang mga ito.
Itinanggi rin ng lokal na pamahalaan ang mga alegasyon.










