Nakikiramay at nagluluksa ang buong pamunuan ng lokal na pamahalaan ng Maynila sa pagpanaw ni dating Manila Vice Mayor Danilo Lacuna sa edad na 85 taong gulang.
Nabatid na mismong si Manila City Mayor Honey Lacuna-Pangan ang nag-anunsiyo ng pagkawala ng kaniyang ama kaninang umaga.
Sa social media post, inihayag ng pamilya Lacuna, sa pamamagitan ni Mayor Honey na panganay sa limang anak, namatay si dating Vice Mayor Danny Lacuna kaninang madaling araw na katabi ang kanyang buong pamilya.
Kung maaalala, si Danilo Bautista Lacuna ay nagsilbi bilang konsehal ng lungsod ng Maynila mula 1968 hanggang 1975 at Bise Alkalde ng lungsod noong mga taong 1970 hanggang 1971, 1988 hanggang 1992, at ang pinakahuli ay mula noong 1998 hanggang 2007.
Si Vice Mayor Danilo Lacuna rin ang nagtatag ng local political party na Asenso Manileño, na partido ni dating Mayor Isko Moreno at incumbent Mayor Honey Lacuna.
Naiwan niya ang kanyang asawang si Inday Lacuna at limang anak na sina Honey, Lei, Dennis, Liza, at Philip.
Hindi naman na idinetalye ni Mayor Honey kung anong dahilan ng pagkawala ng kaniyang ama kung saan abangan na lamang ang anunsiyo ng kanilang pamilya para sa ibang impormasyon.