Manila LGU, nagpaalala sa deadline ng pagre-renew ng business permits sa lungsod

Nagpapaalala ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa lahat ng mga may-ari ng negosyo sa lungsod na hanggang March 31, 2022 ang pagre-renew ng kanilang business permits.

Maging ang pagbabayad ng kailangang buwis ay hanggang katapusan na lamang ng buwan ng Marso upang maiwasan ang dagdag na penalties o surcharges.

Kaugnay nito, maglalabas ang Bureau of Permits ng panibagong paalala sa publiko lalo na sa mga may negosyo sa Maynila upang maiwasan ang last minute rush.


Ayon naman kay Levi Facundo, head ng Bureau of Permits Manila, sa pamamagitan ng isang city ordinance na mabilis na naipasa sa Manila City Council ang deadline para sa pagbabayad ng business permit renewals ay pinalawig pa ng 70 araw o hanggang March 31, 2022 at pagkatapos nito ay paiiralin na ang penalties o surcharges.

Hinikayat din ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang mga business owner sa lungsod na gawin ang renewal ng kanilang business permits sa loob ng kanilang tahanan sa pamamagitan ng online transactions dahil fully automated na ang application hanggang sa pagbabayad.

Ipinaliwanag pa ni Facundo na ang transaksyon sa ngayon simula sa pagkuha ng statement of account hanggang sa receipt to permit ay fully electronic na lahat.

Nabatid na nasa higit 6,000 na ang nag-apply at nag-submit ng kanilang application sa online kung saan sobra ito ng 600 sa mga naitalang bilang noong isang taon.

Sa nasabing bilang, higit sa 5,000 na ang naproseso habang ang iba naman ay tinanggihan dahil sa kakulangang sa mga supporting docsument, deficiencies sa ibang departments o incomplete data sa kanilang application forms.

Facebook Comments