Naglabas ng abiso ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa publiko na ito na ang huling araw ng operasyon ng 24/7 drive-thru COVID-19 vaccination sa Quirino Grandstand.
Sa anunsiyo ng Manila Public Information Office (MPIO), ang huling araw ng drive-thru vaccination ay bukas para sa mga gustong magpaturok ng COVID-19 booster shot na naka-4 wheel na mga sasakyan.
Available dito ang lahat ng uri ng bakuna para sa booster shots kontra COVID-19.
Sa mga nais magpunta sa drive-thru vaccination, bukas ito hanggang mamayang alas-5:00 ng hapon.
Matatandaan na noong Enero 2022 nang buksan ang drive-thru COVID-19 vaccination kung saan may mga pagkakataon na dinagsa o pinipilahan ito ng mga magpapabakuna.
Pero kamakailan ay inanunsyo ng Manila LGU ang pagsasara nito, pero wala pang opisyal na paliwanag na inilabas.
Isa sa mga nakikitang dahilan kung bakit ito isasara ay matumal na rin kasi ang nagpapa-booster dito.
Kaugnay niyan, maaari na rin mai-deploy ang mga personnel sa iba pang mahalagang trabaho.
Sa kabila sa pagsasara ng drive-thru vaccination, sinabi ng lokal na pamahalaan ng Maynila na tuluy-tuloy pa rin naman nag bakunahan kontra COVID-19 at pagtuturok ng booster shots sa mga health centers, malls at district hospitals sa lungsod.
Para naman sa kumpletong impormasyon, maaaring bisitahin ang opisyal na Facebook Page ng Manila PIO.