Manila LGU, nagpaliwanag kung bakit hindi nakuha nang kumpleto ang mga biniling Sinovac vaccines

Ipinaliwanag ngayon ng lokal na pamahalaan ng Maynila na hindi lahat ng nabili nilang Sinovac vaccines ay nabigyan ng Certificate of Analysis (COA).

Ayon kay Mayor Isko Moreno, sa 400,000 Sinovac vaccine na kanilang binili at dumating noong June 24 nasa higit 32,000 pa lamang sa mga nasabing bakuna ang na-isyuhan ng COA.

Aniya, hinihintay pa rin hanggang sa ngayon ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang COA ng higit 360,000 na Sinovac vaccines upang agad nila itong maipamahagi sa mga nais magpabakuna.


Dagdag pa ng alkalde, mabilis din naubos sa loob ng isang araw ang mga bakunang sinovac kung saan 25,196 ang ginamit sa first dose habang 7,367 naman sa second dose.

Umaasa ang lokal na pamahalaan ng Maynila na mapapabilis ang proseso sa pagbibigay ng COA upang hindi maantala ang ginagawang COVID-19 vaccination program sa lungsod lalo na’t higit isang milyong na ang bilang ng mga nagparehistro na nais magpa-bakuna.

Facebook Comments