Nilinaw ng tanggapan ni Manila Mayor Isko Moreno na hindi pa maaaring makapagpatuloy ng vaccination ang lungsod ng Maynila.
Ito’y sa kabila ng pagdating ng 400,000 doses ng Sinovac vaccine kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng Maynila noong Huwebes, June 24.
Ayon kay Cesar Chavez, ang Chief of Staff ni Moreno, wala pa ang Certificate of Analysis (COA) ng mga bakunang dumating.
Nabatid na kailangan ang COA para sa “quality assurance and safety” bago ipagamit sa pagbabakuna.
Sa sandali naman na mailabas ang COA, tiyak na magpapatuloy ang pagbabakuna laban sa COVID-19 sa Maynila.
Sinabi pa ni Chavez na handa ang lokal na pamahalaan at alam din nila na maraming residente ang gusto nang magpabakuna.
Maaari naman ilabas na ang COA bukas, June 30, base ito sa batch at bilang ng mga bakuna.