Manila LGU, naipamahagi na ang lagpas kalahati na inilaan na pondo sa kanila ng national government bilang ayuda

Umaabot na sa P787,812,000 na pondo ang naipamahagi ng Manila Department of Social Welfare (MDSW) sa mga pamilyang naapektuhan dahil sa ipinatutupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa lungsod ng Maynila.

Ito’y bilang bahagi ng higit P1. 4 bilyon na inilaan ng national government bilang ayuda.

Nasa 196,953 na benepisyaryo ang nakinabang sa nasabing ayuda kung saan nagawa ito ng lokal na pamahalaan sa loob ng isang linggo.


Sa pahayag ni MDSW Director Re Fugoso, kumpiyansa silang matatapos ang pamamahagi ng ayuda sa bawat kwalipikadong Manileño sa loob ng 15 araw na ibinigay na palugit ng national government kung saan magtutuluy-tuloy ang pamamahagi nito kahit araw ng Linggo.

Sa mga kwalipikadong benepisyaryo na hindi pa nila nakukuha o hindi sila nakapunta sa itinakdang araw ng pamamahagi, sinabi ni Fugoso na wala silang dapat ipag-alala hinggil dito.

Aniya, hintayin na lamang nila ang anunsiyo mula sa kanilang mga barangay official kung kailan at saan nila pwedeng makuha ang naturang ayuda.

Facebook Comments