Nakikipag-ugnayan na ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa pamunuan ng Central Post Office para malaman kung anumang tulong ang maaaring ibigay.
Aalamin ng Manila Local Government Unit (LGU) kay Postmaster General Luis Carlos, kung anong assistance ang kakailanganin matapos ang nangyaring sunog sa kanilang opisina.
Bukod dito, nagsagawa na rin ng inspeksyon sa lugar sina Manila Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo kung saan patuloy silang nakamonitor sa sitwasyon.
Nabatid na base sa report ng Bureau of Fire and Protection – National Capital Region (BFP-NCR), nananatili pa ring fire under control ang sunog na nagsimula pa ng alas-11:41 kagabi.
Inabot ng general alarm ang sunog at halos natupok ang lahat ng opisina sa tanggapan ng Central Post Office.
Ilan sa mga nadamay sa sunog ay mga sulat, dokumento, parcel, mga mahahalagang gamit at mga display tulad ng paintings sa loob mismo ng museum ng Central Post Office.