Inihayag ng lokal na pamahalaan ng Maynila, na patuloy nilang binabantayan ang ilang mga biyahe ng pampasaherong jeep mula sa mga katabing lungsod.
Ayon kay Wilcon Chan ng Manila Traffic and Parking Bureau, partikular nilang binabantayan ang mga biyaheng Cubao, Quezon City patungong Divisoria at Quiapo gayundin sa Guadalupe, Makati patungong Pedro Gil.
Nabatid kasi na una ng nai-report sa Manila Local Government Unit (LGU) na may ilang mga tsuper ng jeep ang nahaharang sa mga nabanggit na lugar.
Dahil dito, mino-monitor ng Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) ang sitwasyon upang agad na makaresponde ang oplan libreng sakay sakaling may maitalang stranded na pasahero.
Nabatid na nananatiling naka-stand by ang nasa higit 100 sasakyan na itinalaga ng Manila LGU na mula sa MPD, MTPB at MDRRMO.
Wala naman nakikitang problema ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa mga biyahe ng pampasaherong jeep na mula Pasay, Caloocan at San Juan City.