Nananawagan ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa ibang mga senior citizen na kung maaari ay magtungo na sa city hall para kunin ang kanilang monthly allowance at iba pang benepisyo.
Ayon kay Mayor Honey Lacuna, nakarating sa kaniya ang ulat ng Office of Senior Citizens’ Affairs (OSCA) na may ilan pang senior citizens sa kanilang lungsod ang ilang buwan ng hindi nakukuha ang allowance.
Sa kabila nito, plano ng Manila LGU na ihatid na lamang sa mga tahanan ng ilang senior citizen ang kanilang allowance.
Ito’y dahil sa maaaring mahina na o bed-ridden ang mga senior citizen kaya hindi makuha ng personal ang kanilang benepisyo.
Base naman sa datos ng OSCA, 95% ng senior citizens mula sa District 1 ang nakakuha na ng kanilang allowances habang sa District 2 ay 96%; District 3, 93%; District 4, 95%; District 5, 96% at District 6 na nasa 93%.
Bawat isa sa kanila ay nakatanggap ng P500.00 kada buwan o may kabuuan na P2,000.00 mula sa mga buwan ng January hanggang April 2023.