Nangangailangan ngayon ang lokal na pamahalaan ng Maynila ng mga karagdagang doctor, nurses at medical technician (medtech).
Ayon kay Mayor Francisco “Isko” Moreno-Domagoso, ang hakbang ng lokal na pamahalaan ay upang mapalakas pa nila ang serbisyong medikal sa lungsod.
Dagdag pa ng alkalde, bagama’t nakapag-hire na sila ng panibagong pitong doktor, 15 nurses at walong medtech, nais pa nilang madagdagan ito para mas mapalakas din ang sektor ng pangkalusugan.
Nilinaw naman ni Mayor Isko na ang kanilang iniimbitahang mga magsisilbing frontliners sa health sector ay pawang mga permanente at hindi contract service dahil ang layunin ng pamahalaang lungsod ay makatulong upang matugunan ang sitwasyon ngayong panahon ng pandemya.
Sa kasalukuyan, nasa 267 doktor, 42 nurses at 17 medtech na pawang mga “contract of service” ang nagsisimulang maglingkod sa mga pampublikong pagamutan sa lungsod.
Samantala, ibinida ni Mayor Isko ang karagdagang digital mobile X-ray machine na dumating na sa Manila City Hall kung saan ang bawat isa dito ay dadalhin sa anim na pampublikong ospital ng lungsod.
Nasa walong X-ray machine ang kinuha ng pamahalaang lungsod upang ang dalawang makina ay magsilbing pamalit sakaling magka-problema o masira ang isa sa mga ito.