Manila LGU, nilinaw na hindi sa kanila humihingi ng permit para mag-rally sa Luneta

Nilinaw ng Lokal na Pamahalaan ng Maynila na ang National Parks Development Committee (NPDC) ang may awtoridad magbigay ng permit para sa anumang pagtitipon sa Luneta.

Binigyang-diin ito ng LGU matapos hindi payagan ang grupong magsasagawa ng “Baha sa Luneta 2.0” na mag-set up ng sound system at stage sa loob ng parke.

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, bagama’t hindi sila tumututol sa kilos-protesta, hindi sakop ng city government ang kahabaan ng Roxas Boulevard dahil ito ay nasa ilalim ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Dagdag niya, ang Luneta ay nasa ilalim ng NPDC, kaya dapat dito direktang makipag-ugnayan ang mga organizer.

Ito rin ang kanilang ipinaliwanag sa mga taga-organisa ng rally matapos ang pulong noong November 25 sa City Hall.

Nakahanda rin umanong tumulong ang LGU sa aspeto ng traffic management, paglilinis ng basura, at pagbibigay ng emergency medical assistance, gaya ng ginawa noong September 21.

Nilinaw din ng pamahalaang lungsod na wala silang ibinigay na rally permit noong September 21, pero nag-isyu sila ng permit sa Iglesia ni Cristo (INC) para sa pagtitipon nito noong November 16, matapos pahintulutan ng NPDC na may hurisdiksiyon sa Quirino Grandstand.

Facebook Comments