Patuloy na pinag-iingat ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang mga residente nito sa nararanasang COVID-19 pandemic at sa panibagong variant nito na mas lalong nakahahawa.
Ito’y sa kabila ng bahagyang pagbaba ng aktibong kaso ng COVID-19 at pagbaba rin ng occupancy rate sa mga hospital at quarantine facilities sa lungsod.
Ayon kay Mayor Isko Moreno, hindi titigil ang Manila LGU sa pagpa-plano at paghahanda ng mga programa para mapigilan ang hawaan ng virus at habang hindi rin ito tuluyang nawawala.
Sinabi pa ng alkalde na nasa 870 bed capacity para sa mga asymptomatic patient ang mayroon sa quarantine facility habang nasa 471 bed capacity naman ang mayroon sa anim na district hospital sa lungsod.
Dagdag pa ng alkalde, nagagamit na rin sa ngayon ang field hospital sa Luneta na may 344 bed capacity kung saan siyam na pasyenteng may mild at moderate symptoms ng COVID-19 ang nananatili ngayon doon.
Nananawagan ang lokal na pamahalaan sa bawat Manileño na mag-doble ingat dahil aniya, isa lang ang tamaan ng virus, siguradong mahahawaan na nito ang kaniyang pamilya, kaibigan at komunidad kung saan siya nananatili.