Muling pinag-iingat ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang mga residente nito matapos ang patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa kanilang lungsod.
Sa datos ng Manila Health Department, pumalo na sa 71 ang bilang ng tinamaan ng virus matapos makapagtala ng 15 bagong kaso.
Kaugnay nito, hinihimok ng Manila Health Department (MHD) ang lahat ng residente at maging mga kawani ng lokal na pamahalaan na sumalang na sa booster shot upang maging ligtas sa COVID-19.
Ayon kay Dr. Arnold Pangan na head ng MHD, ang pagbabakuna ang nakikita nilang paraan para mahinto na ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 kaya’t maiging samantalahin na ito habang marami pa ang suplay na kanilang hawak.
Nabatid na sa kasalukuyan, ang bahagi ng Malate ang lugar na may mataas na bilang ng tinamaan ng COVID-19 na nasa 13 kung saan sunundan ito ng Sta. Mesa na nasa 11.
Patuloy naman nakatutok ang mga tauhan ng Manila Health Department sa mga nabanggit na lugar gayundin sa mga lugar na walang naitatalang kaso tulad ng Binondo, Port Area at Quiapo upang manatiling zero cases ng COVID-19.