Manila LGU, pinamo-monitor na ang mga palengke hinggil sa implementasyon ng price ceiling sa bigas

Inatasan ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang ilang tanggapan nito na mag-ikot sa mga palengke sa lungsod.

Ito’y kasunod ng pagpapatupad ng Executive Order (EO) No. 39 o ang pagtatakda ng presyo ng bigas sa ₱41.00 hanggang ₱45.00.

Ayon kay Atty. Princess Abante, ang tagapagsalita ng Office of the Mayor, partikular na inatasan ni Mayor Honey Lacuna ang Market Administration at Bureau of Permits kung saan pinamo-monitor sa kanila kung nakakasunod ang mga retailer ng bigas sa ipinapatupad na EO No. 39.


Sakaling may malaman na hindi nakakasunod sa ipinapatupad na patakaran, bibigyan muna ng babala ang mga retailers.

Kaugnay nito, hinihintay naman ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang guidelines para sa tulong pinansyal sa mga ‘micro, small at medium rice retailers’ na maaapektuhan ng price ceiling.

Matatandaan na ipinatupad ang price ceiling sa bigas para maiwasan ang pagsasamantala, hoarding at iba pang iligal na aktibidad.

Facebook Comments