Todo paghahanda ang ginagawa ng lokal na pamahalaan ng Maynila para sa pagsisimula ng La Niña o panahon ng tag-ulan.
Ilan sa mga ginagawang hakbang ng Manila Local Government Unit (LGU) ay ang patuloy na paglilinis sa mga estero at kanal sa pangunguna ng kanilang Department of Public Service (DPS).
Ito’y para masiguro na hindi magbabara upang maiwasan ang pagbaha.
Ang Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) naman ay sinimulan ng putulin ang mga sagabal na sanga ng puno na maaaring bumagsak.
Nagdagdag na rin sila ng mga Automated Weather System para mas maging updated ang pag-momonitor nila ng lagay ng panahon.
Kakausapin naman ng Manila LGU ang mga kumpaniyang responsable sa mga nakalaylay at putol na kable maging ang mga bulok na poste para ayusin at mapalitan ito.
Giit ng Manila LGU, mas maiging paghandaan ng maaga ang paparating na La Niña upang maiwasan ang hindi inaasahang insidente sa magiging epekto nito.