Manila LGU, sapat pa rin ang suplay ng oxygen at mga gamot sa kabila naitatalang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lungsod

Sa kabila ng unti-unting pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lungsod ng Maynila, muling iginiit ng lokal na pamahalaan na patuloy pa rin silang gumagawa ng mga hakbang para mapigilan ang pagkalat ng sakit.

Sa pahayag ni Mayor Isko Moreno, nakahanda ang ilan nilang kagamitan at mga gamot na nabili na kanilang gagamitin sa mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19.

Aniya, sapat pa rin ang hawak nilang suplay ng oxygen habang may mga naka-imbak silang mga Remdesivir, Tocilizumab at ibang mga mamahaling gamot na makakatulong sa isang indibidwal na nahawaan ng nasabing sakit.


Bukod dito, may inaabangan din silang suplay ng iba pang mga gamot at kagamitan na binili ng pamahalaang lungsod habang plano ng Manila Local Government Unit (LGU) na magtayo pa ng ibang pasilidad.

Nabatid na nasa 1,354 ang kasalukuyang aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod ng Maynila kung saan una na rin sinabi ng alkalde na puno na sa ngayon ang Manila Infectious Disease Control Center (MIDCC) sa Sta. Ana Hospital.

Muling paalala ni Mayor Isko sa mga residente na mag-doble ingat pa rin dahil hanggang sa ngayon ay hindi pa nawawala ang COVID-19 habang may naitatala na rin nahawaan ng mga variant nito.

Facebook Comments