Sinimulan na ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang pagsasagawa ng orientation sa mga nag-volunteer na indibidwal para sa isasagawang 24/7 COVID-19 vaccination sa lungsod.
Nasa 183 volunteers ang una ng nakatapos ng kanilang orientation na isinagawa sa Manila City Hall.
Kinabibilangan ito ng 3 medical doctor; 7 dentist; 7 midwife; 31 nurse, 4 na PGI o postgraduate medical interns; 2 pharmacists at 129 na encoder.
Ngayong araw ay muling nagpapatuloy ang orientation ng mga volunteers na isinasagawa sa Kartilya ng Katipunan kung saan batch by batch ang mga ito upang masunod ang guidelines sa health protocols.
Sa impormasyon na ibinahagi ng Manila Public Information Office, nasa higit 2,000 indibidwal ang naitalang nagkumpirma upang maging volunteers sa ikakasang 24/7 vaccination sa lungsod pero wala pang eksaktong petsa kung kailan ito sisimulan.
Patuloy naman ang panawagan ng Manila-Local Government Unit (LGU) sa iba pang nais tumulong at sa ilang mga interesado ay maaari silang tumawag o mag-text sa 0995-1069524 at 0960-6040771.