Manila-LGU, sinisigurong hindi mapepeke ang ipapamahagi nilang vaccination card

Sinisiguro ng lokal na pamahalaan ng Maynila na hindi mapepeke ng sinuman ang mga vaccination card na kanilang ibnibigay sa mga indibidwal na nabakunahan na kontra COVID-19.

Ito ang pahayag ni Manila Mayor Isko Moreno kasunod ng apela ng Department of Health (DOH) sa mga lokal na pamahalaan na mag-isyu ng lehitimo o hindi mapepeke na vaccination cards.

Ito’y habang hinihintay ang ginagawa ng Department of Information Communications Technology (DICT) na iisang format para sa vaccination certificate.


Ayon kay Mayor Isko, may ginawa silang hakbang para hindi mapeke ang vaccination cards kung saan una nitong nilinaw na hindi naglalabas ng “physical cards” ang Manila Local Government Unit (LGU).

Nabatid na sa online lamang kayang ma-access ang vaccination card sa pamamagitan ng manilacovid19vaccine.ph.

Bawat vaccination card ng mababakunahan o bakunado na ay may unique QR code na hindi basta-bastang mapepeke.

Binalaan naman ng alkalde ang mga nagpaplano na gumawa ng peke o manggagaya ng vaccination cards ng Maynila na huwag na nila itong subukan dahil siguradong mabubuko ang kanilang iligal na gawain at mananagot sila sa batas.

Facebook Comments