Tiniyak ng pamahalaang Lungsod ng Maynila na susunod sila sa gusto ni Pangulong Rodrigo Duterte na gamitin ang face shield sa loob at labas ng mga establisyimento.
Ayon kay Mayor Isko Moreno, dapat lamang na sundin ang sinabi ng pangulo lalo na kung makakabuti ito sa pangkalahatan.
Pero aniya, wala pa naman plano o polisiya na ibinababa sa mga lokal na pamahalaan hinggil sa nais ng pangulo na ipaaresto ang mga indibwal na ayaw magpabakuna.
Matatandaan na una nang sinabi ni Mayor Isko na kung maari ay itigil na ang pagsusuot dahil dagdag gastos lamang daw ito at walang sapat na basehan na nakakatulong na maiwasan ang virus.
Kasabay nito ay puspusan ang ginagawang pag-iingat ng lungsod laban sa COVID-19 lalo na ang pinangangambahan ngayong Delta Variant.
Muli rin ipinagpatuloy ang ‘walk-ins’ policy para mapabilis ang pagbabakuna sa mas maraming indibidwal sa Maynila sa lalong madaling panahon.
Iginiit ng Manila Local Government Unit (LGU) na dahil sa walk-in policy ay nangunguna ngayon ang Maynila sa Average Jab Capacity sa National Capital Region o NCR.