Sinisiguro ng lokal na pamahalaan ng Maynila na kanilang pa rin matutugunan ang mga pasyenteng may COVID-19 na kinakailangan ma-confine kahit pa halos napupuno na ang mga bed capacity sa anim na district hospital sa lungsod.
Ayon kay Mayor Isko Moreno, sa loob lamang ng ilang araw nasa 75% na agad ang additional bed capacity na kanilang inilaan sa mga nasabing hospital.
Matatandaan na mula sa 972 beds, pinadagdagan ni Mayor Isko ng 523 ang bed capacity para sa mga pasyenteng may COVID-19.
Pero umabot agad sa 382 ang na-occupy sa mga additional beds kaya’t gagawa ng paraan ang lokal na pamahalaan para madagdagan pa ito.
Dagdag pa ng alkalde, ang mga residente na nagpapakita ng sintomas ng COVID-19 o kahit asymptomatic ay maaari naman mag-isolate sa kanilang tahanan kung maluwag o may espasyo pa habang ang mga wala naman ay maaring magtungo sa itinalagang quarantine facilities.
Aniya, nasa 46% na lamang kasi ang occupancy rate ng mga quarantine facility sa lungsod kaya’t maaari silang magtungo rito para mabigyan ng medical assistance.
Sinabi pa ng alkalde na base sa hawak nilang datos, karamihan na rin sa mga pribadong hospital sa lungsod ng Maynila ay puno na o halos okupado na ang bed capacity para sa mga COVID-19 patient.