Manila LGU, tiniyak na makakakuha na sila ng 800,000 doses na bakuna kontra COVID-19

Inanunsiyo ngayon ni Manila Mayor Isko Moreno na mayroon nang tiyak na 800,000 doses ng bakuna kontra COVID-19 ang kanilang ipapamahagi para mga residente ng lungsod.

Ang mga nasabing bakuna ay bibilhin sa British-Swedish pharmaceutical company na AstraZeneca kung saan bahagi ito ng kanilang tripartite agreement kasama ang National Task Force Against COVID-19 at Department of Health (DOH).

Ang mga kukuning bakuna ay nakalaan sa 400,000 indibidwal base na rin sa naging plano ng lokal na pamahalaan.


Nasa P250 million naman ang inilaang pondo ng Manila LGU para sa pagbili ng mga bakuna kung saan handa nila itong dagdagan sakaling magkulang.

Matatandaan na ang Lungsod ng Maynila ay isa sa 39 na lokal na pamahalaan na lumagda sa nasabing Tripartite Agreement para sa suplay ng COVID-19 vaccines.

Nagpapatuloy pa rin hanggang sa ngayon ang pre-registration para sa mga residente ng Maynila na nagnanais ng libreng bakuna, sakaling dumating at maging rehistrado na ito sa ating bansa.

Facebook Comments