Nilinaw ni Manila Mayor Francisco Isko Moreno Domagoso na wala silang pinipili sa pagtulong sa mga lokal na pamahalaan sa buong bansa na nangangailangan ng gamot sa COVID-19 na Tocilizumab.
Sa katunayan, ayon kay Domagoso, 622 Tocilizumab na ang naipamahagi ng Manila Local Government Unit (LGU) sa iba’t ibang siyudad sa National Capital Region (NCR) at Luzon, gayundin sa Visayas at Mindanao kung saan nagpadala din sila ng vials ng Remdesivir.
Pahayag ito ni Mayor Isko para ituwid ang kumakalat na fake news na hindi ito bukas sa pagtulong sa mga taga-Visayas at Mindanao na nangangailangan ng gamot laban sa COVID-19.
Diin ni Domagoso, hinding-hindi magagawa ng Manila LGU na pagkaitan ng tulong ang kapwa Pilipino lalo na sa panahon ngayon na kailangan ang malasakit sa bawat isa.
Kaugnay nito ay nakikiusap si Mayor Isko sa mamamayan na huwag magpalinlang sa mga fake news.
Samantala, bukod dito ay nilinaw rin ni Mayor Isko na walang katotohanan ang impormasyon na bumababa na ang bilang ng imbak na oxygen ng Manila City government.