Manila LGU, walang inilabas na permit para magkasa ng rally ang ilang mga grupo; MPD, mananatili pa rin naka-alerto

Walang inilabas na permit ang lokal na pamahalaan ng Maynila para makapagsagawa ng rally ang sinumang grupo ngayong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa kabila nito, hindi pa rin magpapakampante ang buong pwersa ng Manila Police District (MPD) sa pagbabantay at seguridad buong lungsod.

Sa interview ng DZXL News kay PCol. Rodrigo Roy ang Deputy District Director for Operations ng MPD, nananatiling naka-monitor at alerto ang kanilang personnel sa mga lugar na posibleng pagdausan ng kilos protesta.


Aniya, sa kasalukuyan ay tahimik ang sitwasyon sa Maynila pero inaasahan pa rin nila na may mga grupo ang magkikilos-protesta na sasabay sa mismong oras ng SONA ni Pangulong Marcos Jr.

Sa kasalukuyan, wala rin namo-monitor na anumang banta ang MPD sa Maynila partikular sa paligid ng Malakaniyang bago magtungo sa Batasan Pambansa ang pangulo.

Facebook Comments