Walang plano si Manila Mayor Isko Moreno na gayahin ang ibang lungsod sa National Capital Region (NCR) na mag-alok o magbigay ng insentibo sa mga nais magpabakuna.
Ayon kay Mayor Isko, nakikinig naman sa lokal na pamahalaan ang lahat ng residente sa lungsod hinggil sa kahalagahan ng bakuna kontra COVID-19 kaya’t hindi na kailangan pa magbigay ng insentibo.
Aniya, desidido ang bawat Manileño na magpabakuna, at sa katunayan ay nasa higit 400,000 na ang nagparehistro para maturukan laban sa virus.
Iginiit pa ng alkalde na base sa report na ibinigay ni Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan, nasa maayos at maganda ang bilang ng mga nagpabakuna at magpapabakuna sa kanilang lungsod.
Bukod dito, may ilan pang indibidwal ang nahuling namemeke ng kanilang medical certificates na isang patunay na nais talaga nilang mabakunahan kontra COVID-19 kung saan hindi naman makakalusot ang ganitong uri ng iligal na gawain.
Ang pahayag ni Mayor Isko ay kasunod ng ginagawang hakbang ng ibang lokal na pamahalaan na nagbibigay ng insentibo para makapanghikayat sa publiko na magpabakuna na.