Manila Mayor Honey Lacuna, naglabas ng kautusan hinggil sa kalinisan sa barangay

Nilagdaan na ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ang isang kautusan na nag-aatas sa lahat ng mga opisyal ng barangay na magsagawa ng paglilinis at kaayusan sa kanilang nasasakupan.

Sa ilalim ng Executive Order No. 9, ang Lungsod ng Maynila na nagsisilbi bilang kapitolyo ng bansa, ay dapat na manguna sa kalinisan, kagandahan at kaayusan na sasalamin sa mahusay na pagkakaloob ng serbisyo sa publiko.

Nakasaad pa sa kautusan na lahat ng mga chairman ng barangay, kagawad at iba pang opisyal kasama ang mga kawani ay nararapat lamang panatilihin ang panuntunan sa kalinisan sa kani-kanilang barangay at himukin ang lahat ng mga residente na tularan ang ganitong gawain.


Bukod dito, nararapat na rin tanggalin ang lahat ng mga nakasabit na mga poster na hindi naman na kailangan, tarpaulin, mga disenyong walang pakinabang at iba pang hindi kaaya-aya sa paningin sa paligid ng barangay hall.

Sinabi pa ni Mayor Honey, ang mga opisyal ng barangay at kanilang empleyado ay nararapat lamang na tiyaking malinis ang kanilang barangay hall bago matapos ang oras ng kanilang trabaho.

Facebook Comments