Binalaan ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno ang mga magulang na hindi kayang patinuin ang kanilang mga menor de edad na anak.
Ayon kay Moreno, kung hindi raw kaya ng mga magulang na disiplinahin ang kanilang mga menor de edad na anak ay ang pamahalaang lungsod na lamang daw ang bahala dito.
Ang babala ng alkalde ay kasunod ng ginawang pagsisindi ng tatlong kabataan sa lobong itinitinda ng isang vendor na taga-Mandaluyong na nakilalang si Oliver Rosales.
Nabatid kasi na nadismaya si Mayor Isko dahil nakunan ng CCTV ng Barangay 842 sa Pandacan ang insidente kung saan nagpapahinga si Rosales ng pagtripan sindihan ng tatlo ang itinitindang lobo nito na nakatali sa kaniyang braso.
Nag-viral sa social media ang nasabing insidente at dahil dito, sinisiguro ni Moreno na papanagutin ang tatlong menor de edad gayundin ang mga magulang ng mga ito.
Babala din niya sa iba pang pasaway na kabataan na siguradong may kalalagyan sila sa oras na sumuway ang mga ito sa ipinapatupad na curfew ng lokal na pamahalaan.