Manila Mayor Isko Moreno, hindi ipinag-utos na bawal ang “selfie” habang binabakunahan

Nilinaw ngayon ni Manila Mayor Isko Moreno na wala siyang inilalabas na utos hinggil sa pagbabawal na mag-“selfie” o kumuha ng litrato ang isang indibidwal habang binabakunahan sa mga vaccination site.

Ito’y sa gitna ng nagpapatuloy na COVID-19 mass vaccination sa lungsod ng Maynila kahit pa masama ang lagay ng panahon.

Ayon kay Mayor Isko, tsismis lamang umano ang nasabing impormasyon na naglabas ito ng kautusan sa pagbabawal na mag-selfie habang tinuturukan ng bakuna kontra COVID-19 ang isang indibidwal.


Pero, iginiit ng alkalde na maaaring nais lamang ng mga vaccinator o nagsasagawa ng bakuna na masunod ang kanilang “right of privacy”.

Ang nasabing pahayag ni Mayor Isko ay kasunod ng insidente ng isang nagpapabakuna sa Emilio Jacinto at Vicente Lim Elementary School sa District 1 na pinagbawalan umano mag-selfie.

Nabatid na nais lamang ng nagpabakuna na magkaroon ng kasiguruhan kung naiturok sa kaniya ang nasabing bakuna gayundin ang magkaroon sila ng “souvenir photo” na sila ay nagpabakuna kaya gusto nila sanang mag-selfie habang binabakunahan.

Nagulat na lamang sila ng pagbawalan silang mag-selfie habang binabakunahan dahil bawal umano ito at iniutos daw ng alkalde.

Facebook Comments