Manila Mayor Isko Moreno, mauunang magpabakuna kontra COVID-19 para ipakita sa publiko na ligtas ito

Handa si Mayor Isko Moreno na unang magpaturok ng bakuna kontra COVID-19 sakaling makabili na nito ang lokal na pamahalaan ng Maynila.

Ayon kay Moreno, bago bakunahan ang milyun-milyong residente ng Maynila, nais niyang mauna muna upang ipakita na ligtas ito at kung may panganib na dala ay siya mismo ang unang makararanas nito.

Sa ginanap na directional meeting kasama ang mga opisyal at Department Heads ng Manila City Hall, sinabi ni Mayor Isko na na bukod sa P200 milyon na itinabi ng lokal na pamahalaan upang ipambili ng bakuna, humiling rin siya sa Sangguniang Panlungsod ng P50 milyon bilang karagdagang pondo para pambili ng nasabing bakuna upang mas maraming residente ng Maynila ang mabigyan nito.


Nabatid na pinulong ng alkalde sina Vice Mayor Honey Lacuna, Manila Health Department Chief Dr. Arnold Pangan, Manila Barangay Bureau at anim na District Hospital Directors upang planuhin kung paano maipapamahagi ng maayos ang libreng bakuna para sa mga Manileño.

Samantala, aprubado na sa ikatlong pagdinig ng Sangguniang Panlungsod ng Maynila ang P20 billion annual budget para sa 2021.

Una nang sinabi ni Mayor Isko na mas prayoridad nila sa ngayon ang pangangailangan ng mga tao tulad ng edukasyon, atensyong medikal, pabahay at iba pa sa halip na unahin ang basketball court, pagpapagawa ng kalsada at waiting sheds.

Facebook Comments