Manila Mayor Isko Moreno, may paalala sa publiko sa selebrasyon ng Bagong Taon

Pinaalalahanan ni Manila Mayor Isko Moreno ang publiko na huwag nang gumamit ng paputok sa pagsalubong ng Bagong Taon upang makaiwas sa disgrasya at sunog.

Ayon kay Moreno, sa halip aniya na magpaputok ay gumamit na lamang ng kaldero, palanggana at iba pang bagay na maaring makapagpaingay sa Bagong Taon.

Kung hindi naman daw talaga maiwasan na magpaputok, sinabi ng alkalde na mag-ingat na lamang at ilayo ang mga bata upang maiwasan ang aksidente.


Nabatid kasi na karaniwang namumulot ang mga bata ng paputok na hindi sumindi sa pagsalubong ng Bagong Taon pero kalimitan ay nasasabugan ang mga ito.

Dahil dito, Pinayuhan niya ang publiko na buhusan ng tubig ang mga nagkalat na basyo ng pulbora pagkatapos magpaputok upang hindi na makaaksidente pa ang mga bata.

Nakiusap din ito sa taga Maynila na huwag magsusunog ng gulong sapagkat ipinagbabawal ito sa batas o RA 9003 sa kadahilanang ito ay nakakapinsala sa kapaligiran partikular sa hangin.

Ayon pa kay Moreno, nasa 784 sunog na ang naitala ngayong 2019 dahil sa mga di inaasahang pangyayari.

Kaugnay nito, sinabi ng alkalde na bukas ang anim na ospital na pinatatakbo ng pamahalaang lungsod ng Maynila upang magbigay serbisyo sa mga biktima ng paputok.

Samantala, sa pagtatapos ng tao ng 2019 nagpasalamat naman ang alkalde sa Panginoon sa pagbibigay ng pagkakataong paglingkuran ang maraming nangangailangan at para sa pagbabagong ginagawa ng pamahalaang lungsod.

Sa taong 2020, hiling ni moreno na bigyan pa siya ng lakas ng loob, katawan at kaisipan para sa kakaharaping anumang hamon sa darating na taon at ilayo siya sa aberya.

Facebook Comments