Ipinaliwanag ngayon ni Mayor Isko Moreno kung bakit nais niyang maging mandatory ang swab test sa mga magbabalik na residente o mga manggagawa sa lungsod ng Maynila matapos magbakasyon sa mga probinsya.
Ayon kay Moreno, nais niyang masiguro na hindi tataas ang kaso ng COVID-19 sa kanilang lungsod kung saan napapanatili ng hindi bababa sa 300 ang bilang ng aktibong kaso ng virus sa loob ng isang buwan.
Aniya, mas maigi kung magkukusa na lamang ang lahat upang magkaroon ng kapanatagan ang bawat isa lalo’t karamihan sa mga ito ay magbabalik-trabaho simula bukas.
Muli ring iginiit ni Moreno na wala rin daw dapat ipag-alala ang mga sasailalim sa swab test dahil ito ay libreng ipagkakaloob ng lokal na pamahalaan at kinakailangan lamang nila magpunta sa mga itinalagang quarantine at swab testing facility sa mga hospital at kada distrito sa lungsod.
Nabatid na base sa datos ng Manila Health Department, kasalukuyang nasa 298 ang aktibong kaso ng COVID-19, 750 na ang bilang ng nasawi, 23,900 ang nakarekober at umaabot naman sa 24,948 ang kumprimadong kaso ng virus.