Manila Mayor Isko Moreno, pormal nang inanunsiyo ang pagtakbo bilang pangulo sa 2022 elections

Pormal nang inanunsiyo ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang kaniyang pagtakbo bilang pangulo sa 2022 elections.

Sa ginanap na announcement sa Tondo, Maynila, sinabi ni Mayor Isko na batid niyang hindi madali ang mga kakaharapin niyang pagsubok sa kandidatura lalo na’t nasa gitna pa rin tayo ng COVID-19 pandemic.

Pero sa kabila nito, tiniyak ni Mayor Isko na pagtutuunan niya ang health workers na tila pinagkaitan ngayon ng karampatang benepisyo sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.


Nakahanda rin ang alkalde na tumanggap ng mga suhestiyon ngayon pa lamang at inihalimbawa niya ang pamamalakad sa lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng transparency.

Kasunod nito, handa rin si Moreno na imbitahan ang millennials para magtrabaho sa ilalim ng kaniyang administrasyon upang makapaglingkod sa mga kapwa Pilipino.

Sinisiguro naman ni Mayor Isko na walang mangyayaring sisihan sa dating administrasyon at magiging isa siyang presidente para sa paghihilom ng bansa.

Sa mga susunod na araw, ilalabas na ni Moreno ang kabuuang plataporma sa ilalim ng kaniyang magiging administrasyon na naging epektibo na rin sa lungsod ng Maynila.

Samantala, makakatambal ni Moreno ang dating senatorial candidate na si Dr. Willie Ong bilang kaniyang Bise Presidente.

Facebook Comments