Manila Mayor Isko Moreno, susulat na sa Bureau of Immigration para ipa-deport ang dalawang tsinong sangkot sa beauty product na may “China province” label

Magpapadala na ng sulat si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa Bureau of Immigration para hilinging ipa-deport ang dalawang Chinese Nationals na may-ari ng isang beauty product kung saan nakasaad sa address na ang Manila ay probinsya ng China.

Nabatid na ipinasara ang dalawang establisyimento sa Binondo District at sa Divisorial Mall dahil sa pagbebenta ng Elegant Fumes Beauty Products na mayroong ‘China Province’ label.

Ayon kay Moreno, hindi niya papayagan ang ibang bansa na tapakan o bastusin ang soberenya ng Pilipinas o ng mismong lungsod ng Maynila.


Ayaw ng alkalde na maranasan ng mga taga-Maynila ang naranasan noon ng mga Pilipinong mangingisda na pinapalayas ng ibang lahi sa sariling karagatan.

Hindi katanggap-tanggap para kay Mayor Moreno ang pagmi-mislabel sa lungsod bilang isang Pilipino at laking-Maynila.

Bukod sa pagpapasara ng mga establisyimento, hindi na sila papayagang magnegosyo sa lungsod lalo na at wala silang lisensya mula sa Food and Drug Administration (FDA).

Gayumpaman, kinikilala at iginagalang ni Moreno ang naging ambag ng mga Filipino-Chinese sa Maynila.

Facebook Comments