Walang plano si Manila City Mayor Honey Lacuna-Pangan na alisin na ang pagsusuot ng face mask sa mga pampublikong lugar.
Ito’y dahil sa umiiral pa rin ang COVID-19 at may banta pa ng mas nakahahawang subvariants.
Aminado si Mayor Honey na nagiging pabaya na ang ilang mga residente sa Maynila sa pagsusuot ng face mask kapag na sa labas ng bahay kaya patuloy pa rin ang kanilang pagpapaalala.
Aniya, mas lalo pang pinaigting ang paglilibot ng mga health workers at pulis para ipaalala sa bawat Manileño na meron pa ring face mask mandate at ordinansa sa lungsod ng Maynila.
Nabatid na naniniwala ang alkalde na ang tamang pagsusuot ng face mask ang isa sa mga hakbang upang maisawan mahawaan ng COVID-19 at maiging sumalang na rin sa libreng pagbabakuna kontra dito.
Ang pahayag ni Mayor Honey ay kaugnay sa isinusulong ngayon ng ibang pinuno ng mga lokal na pamahalaan na tanggalin na ang face mask policy o gawin na lamang itong boluntaryo kung saan patuloy itong pinag-aaralan ng mga eksperto.
Sa kasalukuyan, nasa 112 na ang aktibong kaso ng COVID-19 sa Maynila kung saan umaabot na 117,309 ang naitalang kumpirmadong kaso at nananatili sa 1,948 ang bilang ng nasawi.