
All-set na ang mga ginawang paghahanda ng pamunuan ng Manila North Cemetery para sa nalalapit na Undas.
Naka-activate na ang command center kung saan kabilang dito ang puntod finder at ang registration ng mga bata.
Bukod dito, nakahanda na rin ang nasa 25 e-trike na magsasagawa ng libreng sakay na prayoridad ang mga senior citizens, PWDs, mga may kasamang bata at mga buntis.
Naghigpit na rin ng seguridad ang Manila North Cemetery at sa papasok ay may kaniya-kaniya nang lane para sa mga may dalang gamit, mga lalaki at babae, at priority lane para sa mga vulnerable sectors.
Muling paalala ng pamunuan ng Manila North Cemetery:
– Bawal magdala ng inuming nakalalasing.
– Bawal magdala ng kahit anong uri ng patalim o matutulis na bagay at mga bagay na nakasasakit.
– Hindi pinapayagan ang pagsusugal sa loob ng sementeryo.
– Bawal ang mga kagamitang lumilikha ng malakas na ingay.
– Bawal din ang pagdadala ng alagang aso o pusa.
– Bawal ang paninigarilyo at vape.









