Wala munang nakatakdang biyahe ng mga barko sa Manila Northport Passenger Terminal ngayong araw.
Ayon sa ilang tauhan ng terminal, walang schedule ng arrival at departure ng barko na nagkataon rin na may masamang lagay ng panahon dulot ng Bagyong Agaton.
Dahil dito, inaabisuhan ang mga pasahero na nais bumiyahe na abangan ang ilang anunsiyo mula sa Northport Passenger Terminal.
May ilang mga nagbakasakaling pasahero ang mga nagtungo dito kaninang madaling araw dahil hindi nila alam na may mga nakatakdang biyahe at dahil dito, pinapasok na lamang sila ng mga tauhan ng terminal.
Nabatid na sa huwebes pa magkakaron ng biyahe ng barko na patungo naman ng lalawigan ng Palawan.
Kaugnay nito, patuloy ang paghahanda na ginagawa ng Philippine Ports Authority (PPA) kung saan kanila ng sinimulan ang Oplan Biyaheng Ayos: Semana Santa at Summer Vacation 2022”.
Kasunod na rin ito ng direktiba ng Department of Transportation (DOTr) kung saan inilagay sa heightened alert status ang lahat ng mga terminal bilang paghahanda sa pagdagsa ng mga pasahero.
Nagdagdag rin ng Malasakit Help Desk Centers na nakaposte sa iba’t-ibang terminal partikular sa mga pantalan kung saan pinapa-alalahanan ng PPA ang mga sasakay ng barko na planuhin ng maaga ang biyahe upang hindi maabala.
Mahigpit naman ipinapatupad ang minimum health protocol sa mga pantalan at ang mga indibidwal naman na hindi pa bakunado o hindi pa kumpleto ang pagbabakuna ay makaka-biyahe pa rin basta’t magpakita lang ng negatibong resulta ng antigen o ng RT-PCR Test.