Nagpalabas na ng desisyon ang Manila Regional Trial Court na nag-aatas sa Bureau of Customs (BOC) na ipatupad na ang computerized processing system sa kagawaran.
Base sa desisyon ni Judge Paulino Gallegos ng Manila RTC Branch 47, kailangan nang ipatupad ang naturang kautusan, limang araw matapos ilabas ang desisyon kung saan August 2, 2022 pa inilabas ni Gallegos ang desisyon.
Sinabi naman ni Atty. Israeilito Torreon, abogado ng joint venture of Omniprime Marketing Incorporated na kung nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na mabura ang katiwalian sa administrasyon, dapat nang ipatupad ang naturang programa.
Sa ganitong paraan kasi aniya, matatanggal ang pagre-recycle ng importation permit gaya ng nangyari kamakailan sa kontrobersiya sa asukal.
Ayon kay Torreon, 90 hanggang 99.9% na mawawala ang korupsyon at smuggling sa BOC kung maipatupad ang bagong computerized processing system.
Noon pang 2015 napanalunan ng joint venture ang proyekto na pamalit sana sa lumang sistema ng BOC na Electronic-to-Mobile o E2M kasama na ang phase two ng Philippine’s National Single Window na patatakbuhin sa isang platform o sistema.
Layunin ng proyekto na gawin nang fully electronic at paperless ang mga transaksyon ng Customs kaya malaki ang maitutulong para masawata ang smuggling.