Inihain ni Senator Imee Marcos ang Senate Resolution 259, para sa malalimang pagbusisi sa kontrata at accomplishment record ng Manila Water at Maynilad Water Services.
Diin ni Marcos, kailangang gawin ito ng Senado upang malaman kung paano nalagay sa alanganin ang gobyerno at kung bakit hindi nila naisagawa ang kanilang mga obligasyon sa publiko.
Kinondena rin ni Marcos ang tila “social inequality” o hindi patas na pagpapatupad ng water supply interruption schedules ng Manila Water at Maynilad.
Inihalimbawa ni Marcos ang ilang mga lugar sa Maynila, Caloocan City, Quezon City, Valenzuela, at maging sa Bacoor at Imus sa Cavite na karamihan ay mahihirap ang nakatira ay nakararanas ng aabot sa 19 na oras hanggang 21 oras na scheduled interruptions sa buong mag-hapon.
Pinuna rin ni Marcos na halos huli na ng dalawampung taon ang dalawang water concessionaire para gampanan ang kanilang mga obligasyon sa publiko.
Tinukoy din ni Marcos ang kabiguan ng dalawang water companies na mag-tayo ng sewage treatment system o sistema ng pag-linis sa maduming tubig na 86 percent ay hinahayaan na lamang na maging sanhi ng malalang polusyon sa mga ilog ng Metro Manila at sa Manila Bay.