Posibleng bawasan ng Manila Water ang singil nila sa mga costumer na naapektuhan ng water interruption.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services, sinabi ni Manila Water President and CEO Engineer Fedinand Dela Cruz, inatasan na niya ang kaniyang mga tauhan na pag-aralan ang mga ayudang pwedeng ibigay sa kanilang mga consumer.
Kasabay nito, binawi naman ni Metropolitan Waterworks and Sewerage System o MWSS Chief Regulator Patrick Ty ang nauna na niyang pahayag na wala silang kakayahan na parusahan ang Manila Water dahil sa kakulangan sa suplay ng tubig.
Giit ni Ty, hindi lang siya nakapagpaliwanag ng maayos sa ipinatawag ring pagdinig ng Kamara noong Lunes.
Aniya, susuriin nilang mabuti ang parusang ipapataw sa Manila Water.
Sabi ni Ty, posibleng pagmultahin nila ang Manila Water o hindi aprubahan ang kanilang dagdag singil.