Inihayag ng lokal na pamahalaan ng Maynila na nakatakdang buksan ang Manila Zoo sa darating na November 15, 2022.
Sa anunsiyo ng Manila Local Government Unit, hindi tulad ng dati, maglalabas na sila ng mga ticket sa mga nais magtungo sa Manila Zoo.
Ito’y bilang hakbang upang maiwasan ang hawaan ng COVID-19 lalo na’t hindi pa rin nawawala kung saan nasa 1,000 indibidwal ang papayagan makapasok sa loob ng isang araw.
Bukod dito, inaasahan na ng pamunuan ng Manila Zoo na darating na rin ang iba pang wildlife mula sa ibang bansa at madaragdagan pa ng ibang hayop para mas lalong maging ma-engganyo ang publiko.
Sinabi naman ni Facility Director Alipio Morabe sa isang panayam na wala pang desisyon kung magkano ang presyo ng mga tiket.
Pero, kanilang ng ipinanukala na maniningil sila ng ₱250 para sa mga hindi residente ng Maynila at ₱150 para sa mga nakatira sa lungsod.
Ang mga senior citizen naman ay libre na sa pagbisita sa Manila Zoo kung saan plano nilang mag-operate mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon para magkaroon naman ng pagkakataon na makapagpahinga ang mga alagang hayop.
Ang pagpaparehistro at pagbayad ay isasagawa naman via online sa pamamagitan ng GOMANILA app.