MANLOLOKO | DOTr, pinag-iingat ang publiko sa mga indibidwal na sinasamantala ang sitwasyon sa Albay upang makapanloko

Manila, Philippines – Binalaan ng Department of Transportation (DOTr) ang publiko na huwag maniniwala sa mga indibidwal o grupo na nagpapakilala bilang si DOTr Secretary Arthur Tugade at nanghihingi ng donasyon.

Ito ay matapos makatanggap ng tawag ang kanilang tanggapan mula sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Tacloban, na mayroong isang lalaki ang tumawag sa kanilang tanggapan at nagtanong ng mga airport projects sa rehiyon.

Ayon sa ulat ng CAAP, itinanong rin ng lalaki, na nagpakilalang si Secretary Tugade, ang pangalan ng mga kontraktor ng mga proyekto, upang mahingan nito ng donasyon na 1 milyong piso para ipangtustos sa pangangailangan ng mga apektadong residente sa paligid ng Bulkang Mayon.


Sa kasalukuyan, nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga awtoridad kaugnay dito.

Muling nagpaalala ang ahensiya na walang inotorisa at hindi naghihingi nang kahit ano mang porma ng donasyon ang kalihim, ang tanggapan ng DOTr at mga sangay nito.

Facebook Comments