
Bawal nang magsakay ng Filipino seafarers ang manning agency at shipping owners ng mga barkong nasangkot sa sunod-sunod na Houthi attacks sa Yemen.
Partikular ang MV Magic Seas at ang MV Eternity C na magkasunod na inatake ng Houthi.
Inanunsyo ito ni Department of Migrant Workers (DMW) Sec. Hans Leo Cacdac matapos na madismaya sa pagsuway ng naturang manning agencies at ship owners sa panuntunan ng DMW na nagbabawal sa paglalayag ng Pinoy seafarers sa Red Sea at Gulf of Aden.
Unang inatake ng Houthi rebels sa Red Sea nitong Linggo ang MV Magic Seas kung saan na-rescue ang 17 Pinoy seafarers.
Sumunod namang inatake kaninang umaga ang MV Eternity C na may sakay na 21 Pinoy crew.
Hindi pa matiyak kung kabilang sa dalawang nawawala at dalawang sugatan ang ilang Pinoy.









