Manpower shortages, pinangangambahan sa kabila ng pagkabinbin ng PRC exam

Nababahala si House Committee on Civil Service and Professional Regulation Chairman Frederick Siao na magkaroon ng manpower shortages sakaling hindi pa rin ituloy ang mga board at licensure exams para sa mga professionals.

Ayon kay Siao, ang isang taon na suspensyon ng licensure exam ay maintindihan pa dahil nag-a-adjust pa ang bansa sa epekto ng COVID-19 pandemic.

Ngunit babala ng kongresista na sakaling paabutin pa ng dalawang taon ang pagkabinbin ng licensure exam ng Professional Regulation Commission (PRC) ay mararamdaman sa lahat ng aspeto ng trabaho ang kawalan ng sapat na professionals sa bansa.


Malaki rin ang magiging epekto nito sa paggalaw ng ekonomiya ng bansa.

Inihalimbawa ni Siao na ang Build, Build, Build Program ay mangangailangan ng mga engineers, architects, master plumbers at master electricians at ang kawalan ng mga professionals na ito ay posibleng magpabitin para tapusin ang proyekto ng pamahalaan.

Iminungkahi ng mambabatas na gawin na ang PRC exam sa ikalawang bahagi ng 2021, kung saan maaaring isagawa ng ligtas ang pagsusulit sa mga lugar na nasa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ) at mga ma-espasyong lugar kaakibat ng mahigpit na pagsunod sa minimum health standards.

Facebook Comments