Itutulak ng MAKABAYAN sa Kamara sa 18th Congress na bumalik sa manual voting o mix type voting ang halalan sa bansa.
Ito ay kasunod ng kwestyunableng resulta ng halalan dahil sa mga naiulat na pagpalya ng mga vote counting machines at mga nas-corrupt na SD cards.
Ayon kay Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, isusulong nila na maibalik sa manual election o mix type o magkahalong manual at automated election sa mga susunod na halalan para matiyak na hindi na mauulit ang malawakang ‘election glitch’ tulad ngayong kakatapos na 2019 midterm Election.
Inihalimbawa pa ni Zarate ang Germany at Netherlands na bumalik sa manual election dahil napatunayang hindi sigurado ang resulta at paraan ng paggamit sa automated na halalan.
Nakita din naman sa nagdaang halalan sa ating bansa na madaling mai-manipula ang resulta ng halalan lalo na ang mga nasa kapangyarihan.