Inatasan ni House Speaker Martin Romualdez ang House Committee on Agriculture and Food na magsagawa ng imbestigasyon ukol sa mapagsamantalang traders at hoarders na nasa likod ng artipisyal na kakulangan sa suplay at pagtaas sa presyo ng sibuyas at bawang sa bansa.
Duda si Romualdez sa patuloy na tumataas na presyo ng sibuyas at bawang sa harap ng nagpapatuloy na harvest season at pagdating ng imported onions.
Kasabay nito ay nagbabala si Romualdez na bilang na ang araw ng mga abusadong negosyante na nagmamanipula sa suplay at presyo ng sibuyas at bawang.
Ayon kay Romualdez, sakaling mapatunayang nagkasala ay agad niyang irerekomenda ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa mga tiwaling negosyante.
Sabi ni Romualdez, ang naturang gawain ay malinaw na pananabotahe sa ekonomiya kaya’t dapat mayroong managot sa batas.